Ang Lakbay -
Pananampalataya ni Zaqueo
Mga kapatid narito tayong lahat
ngayon dahil sa paniniwalang tayo ay tinawag ng Diyos upang sambahin siya sa
lugar na kung saan matatagpuan ang isa sa mga milagrong nagpapatotoo sa kanyang
tunay na presensya sa banal na Eukaristiya. Ang araw na ito ay puno ng biyaya
dahil sa ating pananampalataya tayong lahat ay nagkakatipon sa sakramentong
ito.
Napakaganda din ang mensaheng
dala ng Ebanghelyo ngayon, narinig natin ang pagtatagpo ni Zakeo isang
maniningil ng buwis at makasalanan sa harap ng karamihan at ng ating Panginoon
na siyang nagdala sa kanyang pamamahay ng balita ng kaligtasan. Gusto kong
bigyan ng pansin ang pagtatagpong ito na maaari din nating sabihing isang
paglalakbay-pananampalataya.
Si Zakeo po ay isang pandak na
taong tulad ko, kaya’t hindi niya madaling malapitan at makita si Hesus, ngunit
may isa siyang napakagandang katangian.
Sa kanyang kakulangan lalong napaigting ang kanyang pagnanais na si Hesus ay
masumpungan man lamang. Gumawa siya ng paraan, umakyat sa puno ng Sikomoro at
doon hinintay na ang Panginoon ay dumaan. Gusto niyang makita si Hesus. Ito ay
ninais nya ng buong puso at siya ay nabiyayaan sa kanyang ginawang pagkukusa.
Ngunit mga kapatid lingid sa
kanyang kaalaman na may mas malaki pang biyaya ang naghihintay sa kanya. Laki
siguro ng gulat nya na ang kanyang pagnanais na si Hesus ay masumpungan, ito ay
napunu-an pa ng mas malaking kabiyayaan. Hindi lamang niya nakita ang Panginoon
ngunit bumaling ang mga mata nito sa kanya sa gitna ng napakaraming tao
nakapalibot nito. Tinawag siya sa kanyang pangalang Zakeo, na tila bang
sinasabi ni Hesus, kilala kita aking kaibigan, magmadali kang pumanaog d’yan
at sa bahay tayo ay may pagsasaluhan. Sa bahay nila pinagpatuloy ang tagpong
pagkakaibigan na nagsimula lamang sa isang simpleng tagpuan.
Zakeo, tinawag kita sa iyong pangalan.
Nais kitang hanguin sa putik ng kasalanan
Buksan mo ang iyong pusong gapos
Upang ako ay makapasok.
Ngunit sa puntong ito ang iba ay nagbulong-bulongan.
Tumuloy siya sa isang bahay ng makasalanan. Ang mga tao ay nagtaka at sigurado
akong naramdaman din ito ni Zakeo. Siya man ay walang ibang ginusto kundi ang makita
lamang si Hesus. Si Hesus
mismo ang nag imbita sa kanyang sarili upang dumalaw sa pamamahay ni Zakeo. Hindi
ito maaaring tanggihan sapagkat ang puso niya’y nababalot ng kagalakan.
O Panginoon bakit ganito ang mga tao ay
magrereklamo.
Kayo raw ay pumasok sa bahay ng
makasalanang tulad ko
Hindi ba nila alam na kayo ay pumarito
para sa kaligtasan
Lahat ay tinawag niyo upang makasama sa buhay na walang hanggan
Zakeo ‘wag mo na silang pansinin pa,
Ang malahaga ay ang nataggap na
pagpapapala
Sa mga araw at gabi nang paghahanap
Sa araw na ito matutupad ang lahat
Paindak niyang tinanggap sa pintuang bukas ang
Panginoong naghahanap. Sa panahong ito tunay na tunay siyang pinagpala. Siya’y
napasambit ng mga katagang puspos ng pagtitiwala: Panginoon, ibibigay ko po
sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian. At
kung ako ay may nadayang sinuman apat na ibayo ang isaauli ko sa kanya. Nakita na ang Panginoon ay mismong dukha at nagmamahal sa mga
katulad niyang wala. Ramdam niya sa kaibutoran ng kanyang puso ang pagpapala na
nais niyang ipamahagi sa mga dukha.
Ang
kagalakan niya sa langit ay abot
Walang
takot niyang hinarap ang laot
Siya
ay naglakbay sa pananampalatayang
Nag-uwi
sa pagkakaibigan at kaligtasan.
Alam nang Diyos na tayo rin ay
katulad ni Zakeo na naghahanap. Minsan nauuwi sa pagkawala ang paghahanap. Maraming sagabal din ang daan ng
paglalakbay sa pananampalataya. Sa pagnanais na makita ang Panginoon dumadaan
tayo sa pagsubok. Katulad ni Zakeo, makakarinig tayo ng
reklamo dito at doon. Ow
andito na si pakitang-tao, dahil sa simbahan ang mukha sa impyerno naman ang
gawa, kawawang bata!!! Hindi lamang ito, sa ating
panalangin ang daming gustong pumapel, ibig kong sabihin ang mga bahong
sumingit. Sa simula ng pagsambit ng Ama Namin, nasa isip ang utang na dapat bayaran,
ang paghahanap ng malaking kikitain at kung ano-ano pa.
O Hesus,
ako rin ay mayaman at pandak
Luklukan nang kasamaan at kabuktutan
Nagnanais
na makita ang Hesus na kaibigan
Ng
lahat ng tao, pati makasalanan
Ngunit simple lamang ang nais ng
Diyos. Sa totoo lang bago pa man natin siya hanapin, matagal na siyang naunang
naghanap sa atin. Hindi lang natin napapansin ang kanyang kilos ne, ang boses
niyang malumanay na tumatawag sa atin. Araw-araw na kasama natin siya sa ating paglalakbay.
Ninais niya tayong mapalapit sa kanya, at mabibiyayaan ng kanyang pagpapala.
Si Zakeo noong nakita nya si
Hesus at nakita siya ni Hesus ganoon na lamang ang kanyang tuwa na nag-uwi ng
pagpapala sa mga dukha. Ang ating buhay ay isang paglalakbay. Grasya, lakas ng
loob at panalangin ang ating sagabay. Sa pamayanan, sa community kung saan tayo
itinamin doon gusto ng Diyos na tayo ay lumalim. Ang binhi ng pananamplataya na
tinanim niya sa atin, tumubo, lumago at sa bunga humitik man din.
Ang pananampalataya ng ating si
Zakeo ay nagpapatibay nang kalooban ng Ama para sa atin. Tinatawag niya ang
lahat upang sa pamamagitan ng Anak maging mga Anak din niya. Kaibigan hindi mga
alipin ang turing niya sa atin, para sa mga makasalanan at nawawala siya ay
dumating. Ang pandak na si Zakeo mga kapatid ang magtataas sa atin. Sa kanyang
pag-akyat sa Sikomorong matinik tayo ay makikita rin ng mga matang masintahin
ni Hesus na naghahanap sa atin.
Dito sa tagpong ito nagsimula ang lahat. Ang
lakbay-pananampalataya ni Zakeo nasasalamin sa bawat tao. Sa peligrinaggio na
ito dito sa Lanciano na kung saan sa pagdaan ng mga taon nanatiling sariwa ang
katawan at dugo ni Kristo. Ang paglalakbay na ito ay hindi magtatapos dito,
ngunit patuloy na magbibigay liwanag sa ating mga puso. Ano pa nga ba ang ating
hahanapin, si Hesus na mismo ang unang dumalaw sa mga tahanan natin. Katulad ni Zakeo malugod natin siyang tinatanggap at hinihintay niya
ang ating pagbabagong ganap. Tulad ni Zakeo ang buhay ay ganap, pag kasama
natin si Kristong mapagligtas.
Saan mo siya nakita?
Ano ang kanyang dala
Sikomoro isang punong matinik
Iyong kinaya…
Comments
Post a Comment